Sasampahan ng kasong murder ang isang pulis na umano’y bumaril at pumatay sa kanyang dating intelligence asset sa Cagayan de Oro City.

Ayon kay Major Sabido Labitad, commander ng Cogon Police Station, may matibay silang ebidensya laban sa nasabing pulis na nakatalaga sa Divisoria Police Station. Siya umano ang responsable sa pagpatay kay Henry Pimentel, residente ng Barangay Macasandig, na binaril sa madaling araw kahapon.

Sinabi ni Labitad na maaaring may kinalaman sa ilegal na droga at personal na alitan ang motibo sa pagpatay. Ginamit umano ng suspek ang isang .38 caliber na baril sa krimen.

Nakipag-ugnayan na rin si Labitad kay Major Peter Tajor, commander ng Divisoria Police Station, upang linawin ang kaugnayan ng kanilang tauhan sa kaso.

Samantala, tumangging magbigay ng pahayag ang dinakip na pulis kaugnay ng mga paratang laban sa kanya. Napag-alamang dati siyang nakatalaga sa Agora Police Station, kung saan naging intelligence asset niya ang biktima.