Nasabat ng Police Regional Office 10 (PRO10) ang tinatayang ₱10 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na mineral ores sa isang checkpoint operation sa Sitio Nabunturan, Barangay Kalagangan, San Fernando, Bukidnon noong Nobyembre 7, 2025.

Photo by RCADD PRO 10

Sa isinagawang operasyon ng 1003rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 10 (RMFB 10), naharang ang isang pulang Shacman dump truck na minamaneho ni alyas “Jaypee,” 24, may asawa, residente ng Brgy. Sawata, San Isidro, Asuncion, Davao del Norte. Lulan ng trak ang humigit-kumulang 500 sako ng pinaghihinalaang mineral ores na mula umano sa Barangay Dao, San Fernando, Bukidnon isang lugar na dati nang nasangkot sa ilegal na pagmimina patungong Tagum City, Davao del Norte.

Photo by RCADD PRO 10

Ipinakita lamang ng driver ang permit para sa buhangin at graba, dahilan upang inspeksyunin pa ng mga pulis ang kargamento. Sa pagsusuri ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), napatunayang ilegal na mina ang laman ng mga sako. Nabigong magpakita ng kaukulang dokumento ang driver para sa legal na transportasyon ng mga ores.

Nakuha mula sa operasyon ang dump truck, ilang kagamitan sa pagmimina, at ang 500 sako ng mineral ores na may kabuuang halaga na ₱10 milyon. Ang lahat ng nakumpiska ay dinala sa MENRO San Fernando para sa tamang kustodiya, habang inihahanda ang mga kasong isasampa sa tulong ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Photo by RCADD PRO 10

Pinuri ni PBGEN Christopher N. Abrahano, Acting Regional Director ng PRO10, ang mga operatiba sa kanilang malasakit sa batas at kalikasan.
“Ang walang humpay na kampanya ng PRO10 laban sa illegal mining ay patunay ng aming matibay na paninindigan para sa batas at sa kalikasan. Hindi kami titigil hangga’t may nananamantala sa likas na yaman ng ating rehiyon,” ani Abrahano.

Muling nanawagan ang PRO10 sa publiko na makiisa sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na pagmimina at agad iulat ang mga gawaing nakapipinsala sa kalikasan at komunidad.