Patay ang isang gunman habang sugatan naman ang isang pulis matapos ang naganap na barilan sa checkpoint sa Barangay Impao, Isulan, Sultan Kudarat.

Kinilala ang nasugatang pulis na si Police Master Sgt. Jenathan Mastura Waguia, miyembro ng Sultan Kudarat Provincial Highway Patrol Team ng Regional Patrol Unit 12.

Batay sa imbestigasyon, kasama ni Waguia ang iba pang mga pulis sa isang roadside checkpoint para magbantay sa pagsisimula ng nationwide election-related gun ban.
Layunin nilang mahuli ang mga indibidwal na iligal na nagdadala ng baril.

Habang nagsasagawa ng inspeksyon, napansin nila ang isang minivan na walang plaka.

Pinatigil ito ng mga pulis at sinuri ang sasakyan.

Si Waguia ang sumakay sa na-impound na minivan upang dalhin ito sa kanilang headquarters sa Isulan.
Gayunpaman, habang nasa biyahe, isang naka-motorsiklong lalaki ang sumunod at malapitang binaril si Waguia.

Tinamaan si Waguia sa iba’t ibang bahagi ng katawan ngunit nagawa pa rin niyang makaganti ng putok, dahilan upang mapatay ang gunman.

Pinaniniwalaan ng mga pulis na ang gunman ay kasamahan ng may-ari ng na-impound na minivan, na hindi pa rin nakikilala sa ngayon.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
Samantala, mas pinaigting ang seguridad sa mga checkpoint sa lugar upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.