Nasamsam ng mga operatiba ng Police Station 3 sa lungsod nito lamang nakaraang linggo ang labing dalawang (12) kahon ng mga puslit o smuggled na sigarilyo sa bahagi ng Purok Gapet, Datu Mokamad Road sa MB Tamontaka, alas sais ng gabi.

Sa ulat ng kapulisan, nakatanggap sila ng tawag at tip na may pinaniniwalaang mga sigarilyo sa lugar. Pinuntahan nila ang lugar na itinuro at naging positibo naman ang sumbong.

Sinasabing inabandona na lang ng di pa natutukoy na salarin ang labing dalawang (12) kahon ng samu’t saring mga brand ng sigarilyo na walang selyo o BIR stamps na may halagang aabot sa P444,000.00.

Pansamantalang dinala sa kustodiya ng Presinto Tres ang nasabing mga kargamento upang madokumento at para sa nakatakdang turn-over nito sa kawanihan ng Aduana o BOC para sa naayon naman nitong disposisyon.