Walang katotohanan pang maituturing ang kumakalat na balita tungkol sa umano’y puting van na dumudukot ng tao at kinukuha ang lamang-loob nito.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PLt. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng Cotabato City Police Office, sinabi nitong wala silang natatanggap na anumang opisyal na ulat hinggil sa naturang insidente.
Bagama’t walang kumpirmasyon, tiniyak ng Cotabato City PNP na seryoso nilang binabantayan ang usaping ito. Aniya, hindi sila nagpapakampante sa ganitong uri ng impormasyon.
“Maging mapagmasid at alerto parin tayo sa kahit anong krimen para sa pansariling seguridad,” ani PLt. Evangelista. Dagdag pa niya, dapat na maging maingat sa pagkuha ng impormasyon sa social media upang maiwasan ang pagkalat ng maling balita.
Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na huwag mag-panic at agad makipag-ugnayan sa mga otoridad sakaling may makita o maranasan na kahina-hinalang aktibidad.