Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsama sa isang makasaysayang pagpupulong ang mga pinuno ng National Youth Commission o NYC ng Office of the President at ng Bangsamoro Youth Commission o BYC, upang talakayin ang pagpapalawig ng mga programa para sa Kabataang Bangsamoro.

Pinangunahan ang pulong ni NYC Chairperson at Undersecretary Joseph Francisco “Jeff” Ortega at ni BYC Chairperson Commissioner Nas Dunding, na kapwa nagpahayag ng layuning pagtibayin ang koordinasyon sa pagitan ng national at regional youth bodies.

Tinalakay sa pagpupulong ang paglilinaw ng hurisdiksyon ng bawat komisyon pagdating sa youth mechanisms sa BARMM, pagpapahusay ng ugnayan at reporting systems ng mga Local Youth Development Officers at mga istruktura ng Sangguniang Kabataan, gayundin ang pagpapalalim ng cultural sensitivity exchange programs sa pagitan ng mga Moro at non-Moro communities.

Bukod pa rito, pinaplano rin ang mga joint initiatives para sa BMIP-IEAGA, at ang muling pagrebisa ng mga training modules para sa mga mandatory SK trainings, bilang bahagi ng pagpapatuloy na edukasyon para sa mga kabataang lider.

Kasabay nito, puspusan ang paghahanda ng BYC para sa nalalapit na pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan sa Agosto, at ang ikatlong State of the Bangsamoro Youth Address. Patuloy ding isinasagawa sa iba’t ibang probinsya ng BARMM ang mga provincial youth parliaments na layong palakasin ang partisipasyon ng kabataan sa paggawa ng mga polisiya.

Ayon kay NYC Chairperson Ortega, buo ang suporta ng national government sa mga programa ng BYC at nakahanda itong makipagtulungan para sa ikabubuti ng kabataang Bangsamoro.

Sa panig naman ng BYC, ipinagmalaki ni Chairperson Dunding ang mga pilot programs na kanilang naisakatuparan mula nang maitatag ang komisyon noong taong 2021, at tiniyak ang patuloy na paglilingkod para sa mas empowered na youth sector sa rehiyon.