Umani ng samu’t saring reaksiyon sa social media ang isang larawan mula sa sunog sa San Francisco High School, matapos mapansin ng ilang netizens na tila “tumagos” ang paa ng bombero sa pader.
Ayon sa mga nagkomento, mistulang edited umano ang litrato kaya’t naging mainit na paksa ito online. May ilan namang naniniwala na epekto lang ito ng anggulo at pixelation ng imahe. Kaya ang tanong ng marami: Re-yal o fa-keh?
Ang naturang insidente ay naganap kasunod ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paaralan. Sa kaniyang talumpati, pinuri ni PBBM ang mabilis na pagresponde ng Bureau of Fire Protection (BFP) na naapula ang apoy sa loob lamang ng 30 minuto. Pinuri rin ng Pangulo ang agarang hakbang ng school administration upang maipagpatuloy ang klase ng mga estudyante.
Bilang tugon sa insidente, iniutos ni Pangulong Marcos Jr. ang agarang pagsasaayos ng nasunog na gusali, gayundin ang pagpapalit sa mga nasirang gamit ng mga guro at mag-aaral. Naglabas din siya ng direktiba na inspeksyunin ang lahat ng electrical systems sa mga lumang paaralan sa bansa upang maiwasan ang kahalintulad na sakuna.
Samantala, patuloy pa ring pinag-uusapan online ang kontrobersyal na litrato. Totoo man o hindi, ang mas mahalaga raw ay ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataang Pilipino.