Sa kasawian pa rin nauwi ang dapat sana ay kasiyahan ng mag-asawang Naila at Nasser matapos na tuluyang pumanaw na ang quadruplets na isinilang ni Naila sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao del Sur nitong Martes, November 19.

Nauna nang binawian ng buhay noong November 20 ang tatlo at sumunod naman ang isa pang sanggol kahapon, November 21. Matatandaang labis na nasurpresa sa biyayang natanggap ang mag-asawa dahil di nila alam na quadruplets o apat sa iisang pagbubuntis ang dinadala ni Naila.

Sa Cotabato Regional Medical Center na binawian ng buhay ang apat dahil sa premature ito o kinulang sa buwan at problema ng mga ito sa paghinga.

Tuloy-tuloy naman ang pagpapagaling ni Naila sa Integrated Provincial Health Office Maguindanao. Labis labis ang hinagpis ng magasawa at mga kaanak nito dahil sa maagang kinuha ng maylikha ang kanilang mga tinagurian na “little bundle of joy”.