Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaril na ikinasawi ng isang quarry operator sa Purok Upper Valley, Barangay Sto. Niño, Koronadal City bandang alas-10:45 ng gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lieutenant Colonel Peter Pinalgan Jr., hepe ng Koronadal City Police, kinilala ang biktima na si Rene Buyco, 53 anyos, may asawa, at residente ng nasabing lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakaupo lamang ang biktima sa harap ng kanilang bahay nang biglang lumapit ang dalawang hindi pa kilalang suspek na sakay ng motorsiklo. Walang babala, agad umanong pinaputukan ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na isinugod si Buyco sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Ayon naman sa anak ng biktima na si Reven, may napansin silang kahina-hinalang galaw sa paligid ng kanilang bahay bago ang insidente, at narinig pa umano niya ang sunod-sunod na putok ng baril. Kalaunan lamang niya nalaman na ang sariling ama ang biktima ng pamamaril.
Napag-alaman din na kahit sugatan, nakatakbo pa ang biktima pabalik sa kanilang bahay upang humingi ng saklolo sa kanyang mga anak bago tuluyang mawalan ng malay.
Sa ngayon, wala pang matukoy na motibo ang pamilya sa krimen. Nanawagan sila ng hustisya at hiniling na makonsensiya ang mga salarin dahil sa matinding dalamhating idinulot ng insidente sa kanilang pamilya.
Tiniyak naman ng Koronadal City Police na nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon at pangangalap ng ebidensiya upang matukoy ang mga suspek at ang motibo sa likod ng pamamaril.

















