Nagtipon ang halos isang-libong raliyista sa harap ng Bangsamoro Government Center (BGC) ngayong Lunes ng hapon, Enero 26, upang tutulan ang BTA Bill 419 amendment sa Bangsamoro Electoral Code at igiit ang karapatan ng kababaihan at marginalized sectors sa rehiyon.
Ayon kay Aleah Selungan, isa sa spokesperson ng Sagip Bangsamoro Movement for Moral Government, layunin ng rally na iparating sa mga miyembro ng Bangsamoro Parliament na huwag amyendahan ang BTA Bill 419 para sa mga self-serving na interes. Aniya, sapat na ang kasalukuyang Bangsamoro Electoral Code upang isagawa ang halalan sa BAR, at hindi na kailangang baguhin ang mga nakasaad dito.
Binanggit din ni Selungan ang pagbabawas ng representasyon ng kababaihan sa political party mula 30% tungo sa 20%, na tinuturing nilang malinaw na paglabag sa karapatan ng kababaihan sa rehiyon.
Direkta rin ang panawagan ng mga raliyista kay Chief Minister Abdurrahman. Ani Selungan: “Mahal naming ICM, sana po pakinggan ninyo ang boses ng mga marginalized sectors at ang totoong saloobin ng ordinaryong mamamayan ng Bangsamoro.”
Dagdag pa niya, ang rally ay hindi tungkol sa ayuda o materyal na bagay kundi para ipakita ang vigilance at pagmamalasakit sa kinabukasan ng Bangsamoro at susunod na henerasyon.

















