Umani ng tanong at sari-saring reaksyon sa hanay ng nagpoprotesta matapos mamahagi ng ayuda ang Bangsamoro government sa kasagsagan ng isang rally sa harap ng BGC kahapon Enero 26.
Habang ipinapahayag ng halos isang-libong raliyista ang kanilang pagtutol sa BTA Bill 419 amendment sa Bangsamoro Electoral Code, ipinamigay ang bigas at canned goods sa ilang kalahok ng rally. Ayon sa mga raliyista, hindi ayuda ang pakay ng kanilang pagtitipon kundi ang panawagan na huwag amyendahan ang batas na, anila, sapat na para maisagawa ang halalan sa Bangsamoro.
Sinabi ni Selungan, spokesperson ng Sagip Bangsamoro Movement for Moral Government, na malinaw ang kanilang mensahe na tinututulan din ng grupo ang planong pagbabawas sa representasyon ng kababaihan sa political parties mula 30 porsiyento tungo sa 20 porsiyento, na ayon sa kanila ay paglabag sa karapatan ng kababaihan at banta sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Sa panig naman ng Office of the Chief Minister, ipinaliwanag na ang pamamahagi ng ayuda ay hindi suhol o kapalit ng panawagan ng mga raliyista. Ayon sa OCM, halos patapos na ang rally nang mapansin ng kanilang staff na pagod na ang ilang matatanda at kababaihan na dumalo, kaya nagpasya ang opisina na magbigay ng tulong bilang pakonswelo at pasasalamat sa mga naglaan ng oras at lakas, upang may maiuwi rin ang mga ito.

















