Pormal nang binuksan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Norte ang Ramadan Village na nagtatampok ng 24 na stalls na nag-aalok ng iba’t ibang lokal na pagkain at produkto para sa publiko sa buong buwan ng Ramadan.‎‎

Pinangunahan nina Governor Datu Tucao O. Mastura, Vice Governor Datu Marshall I. Sinsuat, at Provincial Administrator Datu Sharifudin Tucao P. Mastura ang ceremonial ribbon-cutting bilang hudyat ng opisyal na pagbubukas ng aktibidad.

‎‎Bukas ang Ramadan Village mula 3:00 PM hanggang 6:00 PM at muling magpapatuloy mula 8:00 PM hanggang 11:00 PM upang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makabili at makilahok sa mga inihandang produkto at pagkain.‎‎

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng inisyatibo na suportahan ang mga lokal na negosyante, palakasin ang kabuhayan sa lalawigan, at higit pang pagtibayin ang diwa ng pagkakaisa at pagninilay sa panahon ng banal na buwan ng Ramadan.‎