Binuksan noong Pebrero 16 ang Ramadhan Trade Fair sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City kung saan 60 Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) ang lumahok upang ibenta ang kanilang mga produkto sa publiko kasabay ng pagpasok ng banal na buwan ng Ramadhan.
Pinangunahan ng Ministry of Trade, Investments and Tourism (MTIT) ang aktibidad na layong palawakin ang merkado ng mga lokal na negosyante sa rehiyon.
Kabilang sa mga itinatampok sa trade fair ang halal na pagkain at mga delicacies, produktong likhang-kamay, at iba pang lokal na inobasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, mahalaga ang mga ganitong aktibidad upang mabigyan ng karagdagang access sa merkado ang maliliit na negosyante at mas mapalakas ang lokal na ekonomiya.
Samantala, sinabi ni MTIT Minister Farserina Mohammad na ang trade fair ay bahagi ng mga programang sumusuporta sa pagpapaunlad ng MSME sector sa rehiyon.
Inaasahang dadagsa ang mga residente at mamimili sa lugar lalo na sa mga susunod na araw ng Ramadhan, na karaniwang panahon ng mas mataas na demand sa pagkain at iba pang produkto.
Bukod sa bentahan, nagsisilbi rin ang aktibidad bilang pagkakataon para sa ugnayan ng mga negosyante at mga ahensyang nagbibigay-suporta sa sektor ng maliliit na negosyo sa Bangsamoro.

















