Isinusulong na sa plenaryo ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang rebisyon sa Parliament Bill No. 351, kasunod ng pinal na pagkalas ng lalawigan ng Sulu mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay Member of Parliament Atty. Suharto “Teng” Ambolodto, pasado na ang panukalang rebisyon sa Committee on Amendments, Revision and Codification of Laws (CARCL) at sa Committee on Local Government (CLG).

Inaasahang masusing tatalakayin sa plenaryo ang panukala, lalo na ang mga isyu kaugnay ng redistricting o muling paghahati ng mga distrito sa rehiyon.

Sa ilalim ng bagong rebisyon, magkakaroon ng 15 upuan sa mga pangunahing lugar. Tatlong kinatawan ang ilalaan para sa Cotabato City, dalawang upuan para sa Special Geographic Area (SGA), limang upuan para sa Maguindanao del Norte, at limang upuan din para sa Maguindanao del Sur.

Samantala, ang Lanao del Sur ay inaasahang magkakaroon ng siyam na legislative districts. Ang mga lalawigan ng Basilan at Tawi-Tawi ay kapwa magkakaroon ng tig-apat na distrito. Gayunpaman, nananawagan ang ilang residente ng Tawi-Tawi na dagdagan ito at gawing lima upang masiguro ang patas na representasyon.

Nakasaad din sa panukala ang pagkakaloob ng isang espesyal na upuan para sa Jama Mapun upang mabigyan sila ng boses sa loob ng Bangsamoro Parliament at maisulong ang kanilang kultura at pagkakakilanlan.