Iginiit ni dating Commission on Elections (COMELEC) Chairman Atty. Sherriff Abas na kailangang bantayang mabuti ang redistricting bill na kasalukuyang tinatalakay sa plenaryo ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), lalo na’t layunin nitong muling i-realokate ang pitong (7) upuang nakalaan para sa lalawigan ng Sulu sa Bangsamoro Parliament.

Ayon kay Abas, pabor siya sa naturang panukala subalit binigyang-diin niyang dapat itong isagawa nang patas upang maiwasan ang gerrymandering—ang pagmamanipula ng hangganan ng mga distrito upang pumabor sa isang grupo o partido.

“Kailangang tiyakin na pantay ang representasyon ng mga barangay sa Cotabato City at mga munisipyo sa iba’t ibang lalawigan. Hindi dapat magkaroon ng lamangan,” ayon sa dating COMELEC official.

Matatandaang natalakay na ang panukalang redistricting sa antas ng joint committee at inaasahang agad itong isasalang sa plenaryo ng parliamento. Ito ay upang makahabol sa mga paghahanda ng COMELEC para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakdang idaos sa Oktubre 2025.