Binatikos ni Rep. Paolo Duterte ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng nakatakdang “confirmation of charges” hearing laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte mula Pebrero 23 hanggang 28, 2026.

Kinuwestiyon ni Rep. Duterte ang hurisdiksyon ng ICC, lalo na’t iniwan na ng Pilipinas ang Rome Statute. Aniya, tila pinipili lamang ng korte ang mga target nito, kadalasan ay mga lider na hindi sumusunod sa tinatawag niyang “Western interests.”

Pinuna rin ni Rep. Duterte ang umano’y double standards ng ICC, kung saan, sa kanyang pananaw, mas binibigyang pansin ang alegasyon ng pagkamatay ng ilang drug personalities kaysa sa seguridad at kaayusan na naramdaman ng milyun-milyong Pilipino sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte.

Aniya, ang hearing ay hindi makakabago sa kasaysayan at hindi makakaapekto sa mandato na ibinigay ng mga mamamayan. Idinagdag pa niya na ang Philippine sovereignty ay hindi bagay na maaaring kumpirmahin ng ibang bansa.

Matatandaan na ang ICC ay magsasagawa ng hearing upang suriin ang alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra iligal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Duterte.