Inilabas na ng tanggapan ni dating BARMM Interim Chief Minister at ngayon ay bagong talaga na Member of the Parliament Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim ang kaniyang pirmadong resignation letter bilang Interim Chief Minister.
Nakapatungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing sulat, sinabi nito na siya ay nagbibitiw na sa posisyon upang matutukan nito ang October 13, 2025 First Bangsamoro Parliamentary Elections bilang siya ang Chairman ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP na partido ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa rehiyon.
Sa sulat, sinabi ni Ebrahim na iiwanan niya ang tanggapan ng taas-noo at may integridad at tiwala ito na nakapaglatag na siya ng pundasyon sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho at pagkilos sa rehiyon na nakasalig sa moral governance agenda.
Tiwala naman si Ebrahim na kahit mabago ang namumuno sa BARMM ay makakamit pa rin nito ang hustisya at pagsulong na hinahangad nito.
Pinalitan ni ngayon ay Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang nagbitiw na si Ebrahim noong nakaraang linggo.