Patay ang isang retiradong empleyado ng gobyerno habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek habang sakay ng kanilang sasakyan pasado alas-7:25 ng umaga ngayong Miyerkules, Agosto 13, sa Barangay Zone 2, Koronadal City.
Kinilala ang biktima na si Engr. Kesse Junsan, 64 anyos, habang ang sugatan ay ang kanyang misis na si Maria Lourdes Miguel Junsan, 60 anyos. Kapwa sila residente ng Purok Everlasting, Dona Soledad, Barangay Zone 2.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng isang Bajaj na motorsiklo ang dalawang salarin nang lapitan at paulanan ng bala ang mag-asawa. Agad tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon matapos ang pamamaril.
Ayon sa isang residente na si Dindo Fernandez, napakabilis ng pangyayari at hindi nakilala ang mga salarin dahil kapwa nakasuot ng helmet.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek. Inaalam din kung may nakuhang CCTV footage sa lugar na makatutulong sa pagtukoy sa kanila.