Nasawi sa mismong pinangyarihan ang isang retiradong hepe ng pulisya at ang kasama nito matapos silang tambangan kahapon ng hapon sa National Highway, Brgy. Pagagawan, Datu Montawal, Maguindanao Sur.
Kinilala ng Police Regional Office-BAR sa pamamagitan ni Capt. Steffi Salanguit ang mga biktima bilang si Retired Police Sr. Inspector Elias Dandan at ang kasama nitong si Raymond Bioy, na parehong naninirahan sa Pikit, North Cotabato.
Ayon sa ulat, sakay ang dalawa ng isang itim na Strada pickup na may plakang LGT 243 nang pagbabarilin sila ng mga suspek. Sa pinangyarihan, nakarekober ang mga imbestigador ng pitong bala mula sa hindi pa tukoy na uri ng baril.
Patuloy ang hot pursuit at imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa ginawang pananambang.
Samantala, magkasamang kinundena nina North Cotabato Governor Lala Taliño-Mendoza at Pikit Mayor Muhyryn Sultan-Casi ang malagim na pagpatay.
Sa kanilang pahayag, nanindigan ang dalawang opisyal na dapat mapanagot ang mga responsable sa pagkitil sa buhay ng dating hepe ng pulisya at ng kanyang kasama, at mariing kinundena nila ang ganitong uri ng kriminalidad, lalo pa’t ang biktima ay dating nagpapatupad ng batas.

















