Opisyal nang natapos ang search and retrieval operations na isinagawa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa mga sakay ng bumagsak na Cessna aircraft sa kabundukan ng Barangay Navarro, bayan ng Tubajon, Dinagat Islands, matapos ang insidente noong April 8.

Ayon sa ulat, nakarekober ang mga responder ng mga pinaniniwalaang labi ng tao, kabilang ang mga piraso ng laman, buto, at buhok na may iba’t ibang haba, na pinaniniwalaang pag-aari ng isang babae at isang lalaki. Isinasailalim pa ito sa masusing beripikasyon upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.

Nakuha rin sa pinangyarihan ng insidente ang ilang personal na gamit at mga bahagi ng eroplano na posibleng maiugnay sa mga pasahero.

Pormal na tinapos ang operasyon matapos makumpleto ang mga kinakailangang proseso at pagsusuri, kasabay ng pahintulot ng mga pamilya at ng Lokal na Pamahalaan ng Tubajon sa pamumuno ni Mayor Fely Pedrablanca, na nagpatupad ng demobilization ng Incident Management Team bandang alas-4:30 ng hapon.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga kinatawan ng mga pamilya sa mga barangay, municipal at provincial government units, gayundin sa mga national response agencies at community volunteers na tumulong sa operasyon sa ilalim ng unified command system ng Incident Management Team, na nagtiyak ng maayos, sistematiko, at ligtas na pagtugon sa insidente.