Magpapatupad ng lockdown at mas mahigpit na seguridad ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City, katuwang ang PNP at militar, sa buong Barangay Rosary Heights 5. Ito ay kasunod ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa lugar, kabilang na ang umano’y pamamaril ng isang barangay tanod.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Mayor Bruce Matabalao, kinumpirma ng alkalde na isa sa agarang hakbang ng lungsod upang maibalik ang kaayusan ay ang pagpapatupad ng isolated lockdown sa naturang barangay.

Ayon kay Mayor Matabalao, inatasan na niya ang Cotabato City Police Office at Philippine Marines na paigtingin ang seguridad sa RH5 matapos ang umano’y pagpapaputok ng baril ng chief tanod na si Adam Mlok noong Sabado ng tanghali sa Second Street.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, si Mlok ay pinaniniwalaang nanakot at nangharas gamit ang mahabang armas, at ang target umano nito ay ang dating barangay chairman na si Amil Sula.

Narekober sa crime scene ang 15 basyo ng bala mula sa 5.56mm na baril. Wala namang naiulat na nasaktan, pero matinding takot ang idinulot ng insidente sa mga residente.

Sa isinagawang pagsusuri ng CCTV, dalawa pang indibidwal ang posibleng sangkot sa kaguluhan at kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad.

Dahil dito, mariing panawagan ni Mayor Matabalao sa mga opisyal ng Barangay RH5 na agad isuko si Mlok at ang mga kasamahan nito upang mapanagot sa batas.

Dagdag pa ng alkalde, hindi na magdadalawang-isip ang lokal na pamahalaan na papanagutin ang sinumang magtatangkang manggulo.