Nagtamo ng matinding pinsala at naputol pa ang kanyang paa ng isang rider matapos masangkot sa isang malagim na aksidente sa Sitio Paghidaet, Barangay San Vicente, Banga, South Cotabato, pasado alas-otso kagabi, Lunes.

Ayon sa ulat ng Banga Police, una umanong sumagi ang minamanehong motorsiklo ng biktima sa kasalubong nitong truck, dahilan upang mawalan siya ng kontrol.

Pagkaraan, nabundol pa ito ng kasunod na motorsiklo na nagdulot ng pagkakaputol ng kanyang paa.

Mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad at isinugod ang biktima sa pagamutan para sa agarang lunas.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Banga PNP hinggil sa insidente.