Nagkaroon ng malakas na palitan ng putok nitong umaga ng Pebrero 12, sa Sitio Manggapang, Barangay Manungkaling, Mamasapano, sa pagitan ng Anwari Gayanandang clan at Diya clan.
Ayon sa ulat, narinig ang bakbakan sa bukirin na humigit-kumulang 300 metro mula sa istasyon ng pulisya. Sa kabila ng matinding exchange of gunfire, wala pang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente.
Batay sa paunang impormasyon, nagkaroon na ng dating kasunduan ang dalawang angkang sangkot ngunit hindi ito nasunod, dahilan upang muling sumiklab ang hidwaan.
Agad namang nagpatupad ng checkpoint operation at patuloy na pagmamanman ang mga tauhan ng Mamasapano MPS sa pamumuno ni PLT Lou Christian E. Villones. Nakipag-ugnayan din sila sa CCCH-MILF, lokal na pamahalaan, JPST, at iba pang kaalyadong puwersa sa lugar upang matiyak ang seguridad ng komunidad.
Patuloy ang imbestigasyon at pagmamanman ng mga awtoridad upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon at matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa paligid.

















