Rido at alitan sa lupa, itinuturing na posibleng motibo sa ambush na ikinasawi ni Datu Hamsa M. Kindo, kilala bilang “Kumander Twabak,” at ng kanyang driver na si Mohammad Acob, alyas “Boy,” sa Barangay Kapimpilan, Ampatuan, Maguindanao del Sur noong gabi ng Enero 12, 2026.

Ayon kay LTCOL Roland Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division Philippine Army at Joint Task Force Central, isa sa mga iniimbestigahang anggulo ng krimen ay ang alitan sa lupa at mga naunang sigalot sa ilang base command ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na may kaugnayan sa mga hangganan at lupain.

Batay sa ulat, pauwi na sana sina Kumander Twabak at driver nitong si Boy nang bigla silang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek. Nagtamo sila ng maraming tama ng bala na naging dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga suspek at ang tunay na motibo sa likod ng ambush. Tiniyak naman ng militar na kontrolado ang sitwasyon sa lugar upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga residente.