Mariing pinabulaanan ni Senator Risa Hontiveros nitong Miyerkules, Hunyo 25, ang alegasyong nagbayad siya ng mga testigo para tumestigo laban sa umano’y sekswal na mambabastos na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon sa senadora, “pawang kasinungalingan” ang akusasyon at bahagi ito ng tangkang pagharang sa isinasagawang mga kaso laban kay Quiboloy.
Ito’y matapos lumabas sa social media ang isang video ni Michael Maurillo na nagsasabing binayaran umano sila ng kampo ni Hontiveros para magsalita sa Senado laban kay Quiboloy.
“Kasinungalingan ang mga alegasyon mula sa nagpakilalang dating testigo,” giit ni Hontiveros. “May sapat kaming ebidensiya para patunayang gawa-gawa lang ang pahayag niyang iyon.”
Dagdag pa niya, boluntaryo ang lahat ng testimonya ng mga testigo sa Senado, na suportado ng ebidensiya at dokumentong may kaukulang paper trail.
“Handa rin kaming ilabas ang screenshots at video kung kinakailangan,” paniniguro niya.
Naniniwala si Hontiveros na ang nasabing indibidwal ay pinilit o binayaran para siraan ang proseso ng hustisya, pati na ang kanyang opisina at mga testigo.
Samantala, may kinakaharap na kasong qualified trafficking in persons si Quiboloy sa Regional Trial Court, kaugnay ng reklamo ng isang 17-anyos na biktima noong 2011.
“Handa kami sa legal na aksyon laban sa pananakot na ito,” pagtatapos ni Hontiveros.