Arestado ng NBI-Olongapo at Special Task Force ang anim katao matapos tangkaing manipulahin ang automated voting machines para sa isang mayoral candidate sa Iba, Zambales.
Kinilala ang mga suspek na sina Roland Ucab, Teody Abalos, Joseph Ong, Cherrylyn Adriano, Ralp Edward Salas, at Francis James Mapua.
Ayon sa ulat, inalok umano nila si Atty. Genaro Montefalcon ng tiyak na panalo sa halagang P30 milyon, gamit ang umano’y koneksyon sa COMELEC.
Nagpanggap si Montefalcon na pumayag, at isinagawa ang entrapment operation sa isang hotel sa Quezon City noong Mayo 8.
Naaresto ang anim matapos tanggapin ang paunang bayad na P15 milyon.
Nahaharap sila sa kasong Estafa, Usurpation of Authority, at paglabag sa Automated Election System Law.