Ipinagluluksa ng mga kababayan at kasamahan ang pagpanaw ni Police Corporal Albasir L. Lumalag, miyembro ng PNP–Special Action Force (SAF) mula sa Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, na nasawi matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo sa isang search warrant operation sa Sitio Talatak, Barangay Bato-Bato, Indanan, Sulu, noong Oktubre 30, 2025.
Kasabay ng kanyang paglilibing kagabi sa Datu Odin Sinsuat, alinsunod sa pananampalatayang Islam, ay ang pagbuhos ng pakikiramay at panalangin mula sa pamilya, kaibigan, at kapwa-unipormadong personnel bilang huling pagpupugay sa isang alagad ng batas na nag-alay ng buhay sa tungkulin.
Nagpahayag din ng taos-pusong pakikiramay ang Pamahalaang Bayan ng Datu Odin Sinsuat sa mga naulila ni PCpl. Lumalag, bilang pagkilala sa kanyang katapangan, sakripisyo, at dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.
 
		
















