Mariing kinondena ng 101st Infantry Brigade ang nangyaring karahasan noong Enero 22, 2025, sa Barangay Lower Cabengbeng, Sumisip, Basilan.
Ang insidente ay naganap habang isinasagawa ng mga sundalo ang isang lehitimong operasyon na suportado ng United Nations Development Program (UNDP).
Ayon sa ulat, nagsasagawa ang mga tropa ng misyon para suriin ang mga proyekto sa komunidad mula Enero 21-24, 2025.
Bahagi ito ng Project Modelling Livelihood Initiatives na layong suportahan ang kapayapaan at seguridad sa lugar, sa tulong ng Joint Peace and Security Committee (JPSC).
Habang nasa operasyon, pinaulanan ng bala ang mga sundalo ng mga pinaniniwalaang lawless elements na sina Najal Buena at Oman Hajal Basil, kasama ang iba pang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Labis itong ikinabahala ng militar dahil nakaaapekto ito sa kapayapaan at seguridad ng lugar.
Dalawang sundalo ang nasawi at 12 ang nasugatan sa sagupaan. Nasunog din ang isang military vehicle na KM450.
Sa kabilang panig, dalawang miyembro ng kalaban ang naiulat na nasawi, ngunit hindi pa tukoy ang bilang ng mga nasugatan sa kanilang kampo.
Pinuri ng 101st Infantry Brigade ang katapangan ng kanilang mga sundalo na patuloy na nagtatanggol sa kapayapaan at seguridad ng Basilan.
Nanawagan din sila sa pamunuan ng MILF na managot at kumilos upang maiwasan ang ganitong insidente sa hinaharap.
Tiniyak naman ng 101st Infantry Brigade na kontrolado nila ang sitwasyon at patuloy na gagawin ang lahat upang protektahan ang komunidad at suportahan ang mga proyekto para sa kaunlaran ng Basilan.