Nagpasalamat si former Senate President at kasalukuyang Senador Juan Miguel Zubiri sa naging pagpapatibay at deklarasyon ng kataas-taasang hukuman na konstitusyonal ang Bangsamoro Organic Law o BOL na naging senyal upang itatag ang BARMM o ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Si Senador Migz kasi ang principal na dumepensa sa mataas na kapulungan at author ng RA 11054 o ang BOL.
Aniya, ito na ang pinakamahirap na batas na kaniyang iniakda bilang mambabatas kung kaya’t tila ay nabunutan sya ng malaking tinik sa dibdib sa naging desisyon ng korte suprema.
Higit sa lahat, malaking panalo din ito aniya sa kapayapaan at kaunlaran na tinatamasa ngayon ng Bangsamoro Region.
Hindi naman lubos ang naging pagsasaya ni Zubiri sa naging exclusion ng lalawigan ng Sulu sa BARMM dahil aniya, sa nangyari ay matatanggalan din ang mga mamamayan ng probinsya ng mga pribelehiyo na nakalaan para sa isang rehiyon.
Sa huli, inirerespeto pa rin ni former SP Zubiri ang desisyong ito ng Korte Suprema at nangangakong tutulungan ang probinsya na bumuo ng sarili nitong pagunlad.