Nakarekober ang Philippine Army ng mga mataas na kalibreng armas, pampasabog, at mga subersibong materyales matapos ang isang sagupaan laban sa mga kasapi ng New People’s Army (NPA) noong Setyembre 14 sa Sitio Guinobat, Barangay Bacgong, Camarines Sur.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon mula sa mga residente ang 83rd Infantry “Matikas” Battalion ukol sa presensya ng mga rebelde sa lugar. Agad na rumesponde ang tropa ng militar at nakasagupa ang mga rebelde, na nauwi sa pagkakaagaw ng kanilang hideout.
Sa clearing operations na isinagawa, narekober ng mga sundalo ang isang M16 rifle, isang M203 grenade launcher, isang rifle grenade, mga bala, bandolier, mga pampasabog tulad ng landmine, mga suplay medikal, at iba pang kagamitan pandigma.
Ilang sundalo naman ang nasugatan matapos pasabugin ng mga rebelde ang anti-personnel landmines mga sandatang ipinagbabawal sa ilalim ng International Humanitarian Law at ng 1997 Ottawa Convention.
Binigyang-diin ng Army na ang operasyon ay patunay ng humihinang presensya ng NPA sa bayan ng Caramoan. Dagdag pa nila, malaki ang naging papel ng kooperasyon ng mga residente sa tagumpay ng kanilang operasyon, na kasunod ng isa pang matagumpay na operasyon sa Barangay Antolon noong nakaraang buwan.