Isang bagong silang na sanggol na babae ang natagpuang iniwan sa gilid ng isang tindahan sa National Highway, Purok Orchids, Brgy. Tubon, Pigcawayan, Cotabato, kaninang madaling araw. March 20, 2025
Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), iniwan ang sanggol bandang 3:02 a.m. sa tindahan ng isang ginang.
Ayon sa may-ari ng tindahan, mag-aalas Sais (6AM) ng umaga nila napansin ang isang kartong iniwan sa ibabaw ng lamesa sa labas ng kanilang tindahan.
Hindi ito agad binuksan dahil inakala nilang posibleng may delikadong laman.
Nang kanilang lapitan at hawakan ang karton, bigla itong umiyak at doon nila natuklasang isang sanggol ang nasa loob kaya agad silang nagreport sa mga awtoridad.
Batay sa CCTV footage, dalawang binatilyo na sakay ng motorsiklo ang namataang nag-iwan ng sanggol ng madaling araw.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ito ng Rural Health Unit (RHU) Birthing Section at nasa ligtas na kalagayan.
Nanawagan ang MSWDO sa publiko na tumulong sa pagkilala sa ina o kamag-anak ng sanggol.
Hinihikayat ang sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa kanilang opisina o tumawag sa 0966-665-5109.
Ang simpleng impormasyon ay maaaring maging susi sa pagbibigay ng mas maayos na kinabukasan sa sanggol.