Patuloy ang paghahanap sa isang bagong silang na sanggol na umano’y dinala ng isang babae na nagpakilalang empleyado ng South Cotabato Provincial Hospital.

Ayon kay Ryan Malinog, ama ng bata, humihingi siya ng tulong sa publiko para maibalik ang kanyang anak. Sinabi niya na habang inaasikaso ang mga dokumento para makalabas ng ospital, ipinagbilin niya sandali ang sanggol sa babae na kalaunan ay nawala na kasama ang bata.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ry-ry Guanzon, residente ng Purok Everlasting, Barangay Avanceña, nakita umano niya ang suspek bandang 10:30 ng umaga na naglalakad mula sa bahagi ng kawayanan dala ang sanggol at ilang bag. Sumakay pa ito sa isang tricycle patungong Marbel.

Ipinabatid ng ilang residente na nakasuot ng berdeng uniporme ng ospital ang babae habang may kalong na sanggol. Naiwan naman ang isang bag na naglalaman ng pajama at sling bag ng bata, na kinilala ng pamilya bilang kanila.

Sa ngayon, ipinagpapatuloy ng mga awtoridad ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng babae at matagpuan ang nawawalang sanggol.