Isa sa mga naging tampok sa matagumpay na Chief Minister’s Hour na ginanap kanina sa Bangsamoro Government Center ay ang pagpupugay sa mahalagang papel ni Special Assistant to the President (SAP) Antonio “Anton” Lagdameo Jr. sa pagpapatatag ng relasyon sa pagitan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ng pambansang pamahalaan.

Ayon kay BARMM Cabinet Secretary at tagapagsalita ng Bangsamoro Government na si Mohd Asnin Pendatun, “crucial” o napakahalaga umano ang ginagampanang papel ni SAP Anton bilang aktibong tagasuporta at katuwang ng rehiyon sa mga inisyatibo para sa kapayapaan at kaunlaran.

Dagdag pa ni Pendatun, nagsisilbi si Lagdameo bilang “napakahalagang tulay” hindi lamang sa komunikasyon kundi maging sa koordinasyon sa mga proyektong binabalangkas ng BARMM at Malacañang. Mula sa pagpapalawig ng mga imprastraktura hanggang sa mga ayuda at serbisyong panlipunan, aniya’y may aktibong partisipasyon ang opisina ni Lagdameo.