Nanawagan ang CSO Mass Action na itigil na nina Presidential Adviser on Peace and Reconciliation Charlie Galvez at Special Assistant to the President Anton Lagdameo ang umano’y pakikialam sa pamamalakad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at pabilisin ang pagpapatupad ng Bangsamoro Peace Agreement.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Pastor Bryan Saguban, kinatawan ng Evangelical Christian Settlers Community, binigyang-diin nito na may sapat na kakayahan ang BARMM na pamahalaan ang sarili at hindi na dapat pinapakialaman pa ng mga opisyal mula sa nasyonal na pamahalaan.

Giit ni Saguban, ang patuloy na pakikisawsaw nina Galvez at Lagdameo ay lalo lamang nagpapabagal sa peace process sa pagitan ng MILF at pamahalaan.

Dahil dito, nanawagan ang iba’t ibang Civil Society Groups sa BARMM na ituloy na ang halalang pang-parliyamento sa Oktubre at igalang ang autonomiya ng rehiyon. Kanina, nagsagawa ng kilos-protesta sa Cotabato City upang ipanawagan sa pamahalaan na bilisan ang implementasyon ng kasunduang pangkapayapaan at irespeto ang kapangyarihang ipinagkaloob sa BARMM.