Sinampahan ng kasong kidnapping with homicide ang ama at stepmother ng pitong taong gulang na batang babae matapos makuha ang mga ebidensiyang nag-uugnay sa kanila sa pagkamatay ng bata.
Natagpuang wala nang buhay at hubo ang biktimang si alyas Portia sa Tondaligan Beach, Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City, isang araw matapos siyang ireport na nawawala mula sa kanilang tahanan sa Barangay Bantog, Asingan.
Ayon sa Office of the Prosecutor sa Dagupan, sapat ang mga ebidensiyang nakalap upang ituloy ang kaso laban sa mga suspek, na umano’y planado at brutal ang ginawang krimen.Batay sa imbestigasyon ng Pangasinan Police Provincial Office, natukoy ang paggalaw ng mga suspek sa pamamagitan ng GPS tracker, dashcam footage, at CCTV recordings mula sa kanilang sasakyan.
Dito nakita ang rutang tinahak nila na kinabibilangan ng Calasiao, Malasique, at Dagupan City.
Lumabas din sa post-mortem examination na nagtamo ng matinding pasa at pinsala ang katawan ng bata, kabilang ang kanyang ari.
Pinayagan ng ina ng biktima ang pagsasagawa ng otopsiya sa pamamagitan ng waiver upang mailabas ang buong resulta na posibleng lalong magpatibay sa kaso laban sa mga suspek.