Kinikilala ng Bangsamoro Government ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara sa Bangsamoro Autonomy Act No. 77 bilang unconstitutional at sa Bangsamoro Autonomy Act No. 58 bilang invalid. Dahil dito, naurong ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections mula sa orihinal na petsa na Oktubre 13, 2025 patungo sa bagong iskedyul na hindi lalampas sa Marso 31, 2026.

Ayon kay Chief Minister Hon. Abdulraof A. Macacua, bagama’t ikinalulungkot ang pagkaantala ng makasaysayang halalan, ito ay pagkakataon upang higit pang mapatatag ang integridad ng demokratikong proseso sa rehiyon. Giit niya, mahalaga na ang unang halalan ng BARMM ay maisagawa nang naaayon sa Saligang Batas at may buong legal na katapatan upang mapangalagaan ang karapatan at mithiin ng mamamayang Bangsamoro.

Dagdag pa ng Punong Ministro, agad na magsisikap ang Bangsamoro Government na bumuo ng panibagong redistricting law na titiyak sa makabuluhang representasyon, patas na kaunlaran, at matibay na batayan sa konstitusyon.

Hinimok din ni Macacua ang mga stakeholders, katuwang na institusyon, at buong Bangsamoro community na manatiling nagkakaisa at matatag sa gitna ng hamon. Aniya, ang pagkakaisa at pagtutulungan ang magsisiguro na ang unang parliamentary elections ng rehiyon ay maisasagawa sa pinakamatibay na legal na pundasyon—isang mahalagang hakbang tungo sa mas matatag na kapayapaan at kaunlaran para sa Bangsamoro.