Nasakote ng mga tauhan ng PRO-BAR Regional Anti-Cybercrime Unit kasama ang Police Station 2 ng Cotabato City PNP ang isang negosyante na umano’y sangkot sa pamemeke at pagbebenta ng mga pekeng ID. Naganap ang operasyon sa Governor Gutierrez Avenue sa Cotabato City.

Sa naging panayam ng Star FM Cotabato kay PLT. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng Cotabato City Police Office, matagal nang minanmanan ng mga otoridad ang ilang Facebook accounts na ginagamit sa online na bentahan ng pekeng mga dokumento. Sa tulong ng surveillance at koordinasyon, natunton ang suspek at agad isinagawa ang entrapment operation.

Nakuha sa pag-iingat ng negosyante ang iba’t ibang uri ng pekeng ID, kabilang na ang mga national ID, driver’s license, at iba pang dokumentong peke ngunit ginagaya ang mga orihinal na iniisyu ng gobyerno. Ginagamit umano ito ng ibang tao para sa personal na interes o mapadali ang ilang transaksyon.

Kasalukuyan nang nakakulong ang nasabing negosyante at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya kaugnay ng pamemeke ng mga pampublikong dokumento. Patuloy rin ang paalala ng pulisya sa publiko na huwag makisangkot sa ganitong ilegal na gawain at agad i-report ang mga kahina-hinalang transaksyon online.