Ganap nang batas ang Salamat Excellence Award for Leadership (SEAL) Act of 2025 matapos lagdaan ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua.

Ipinangalan ang nasabing batas kay Sheikh Salamat Hashim, ang Founding Chair ng Moro Islamic Liberation Front, bilang pagpupugay sa kanyang pamumuno at bilang inspirasyon upang mahubog ang mas maraming Bangsamoro leaders na magtataguyod ng parehong pamantayan ng leadership.

Batay sa batas, tatlong pangunahing aspeto ng pamumuno ang magsisilbing gabay sa pagpili ng mga pararangalan sa ilalim ng SEAL — accountable leadership, participatory leadership, at service-oriented leadership.

Upang matiyak ang pangmatagalang pondo para sa programa, nakapaloob sa batas ang pagtatatag ng ₱500 milyon endowment fund na pamamahalaan ng Bangsamoro Treasury Office (BTO) sa ilalim ng Ministry of Finance, Budget, and Management. Ang pondo ay ilalagay sa Shari’ah-compliant investment upang makalikom ng kita para sa taunang paggawad ng parangal.

Mahalagang bahagi rin ng pagpapatupad ng SEAL ang pakikilahok ng mga institusyong akademiko, lalo na sa pagtatala ng mga best practices ng mga awardees at sa pagtiyak na ang mga dokumentong ito ay magiging bukas sa mga state universities sa rehiyon na nagsusulong ng pag-aaral sa public administration at political science.

Ayon sa Bangsamoro Government, ang pagpasa ng SEAL Act of 2025 ay hindi lamang pagbibigay-pugay kay Sheikh Salamat, kundi isang hakbang din upang itaguyod ang pamumunong may pananagutan, may partisipasyon, at nakatuon sa paglilingkod sa mamamayang Bangsamoro.