Umakyat na sa 11 katao ang kumpirmadong nasawi sa insidente sa Binaliw landfill, habang nagpapatuloy ang search and retrieval operations sa ikalimang araw ng paghahanap ngayong Enero 13. Ayon sa pinakahuling ulat, 12 indibidwal ang sugatan at 25 pa ang nananatiling nawawala.

Sa kabila ng delikadong kalagayan sa lugar, hindi tumitigil ang mga awtoridad sa masusing paghahanap ng mga biktima. Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu sa Regional Director ng Bureau of Fire Protection Region 7 na si FCSUPT. Fred Trajeras Jr., kinumpirma nitong tuloy-tuloy ang operasyon upang matukoy at marekober ang mga nawawalang indibidwal.

Ibinahagi ni Trajeras na may ilan pang bangkay ang namataan sa lugar ng insidente, subalit hindi pa agad maisasama sa opisyal na bilang ng mga nasawi dahil sa panganib na dulot ng hindi matatag na kondisyon ng landfill. Kailangang hintayin muna ang clearing operations at ang paggamit ng mabibigat na kagamitan upang matiyak ang kaligtasan ng mga rescuers bago maisagawa ang retrieval.

Sa kasalukuyan, mahigit animnapung rescuers ng BFP ang naka-standby at aktibong nagtatrabaho sa lugar, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Layunin ng patuloy na operasyon na matagpuan ang lahat ng nawawala at masigurong ligtas ang bawat hakbang ng rescue teams.

Binigyang-diin ng pamunuan ng BFP na mananatili ang kanilang mga tauhan sa lugar hangga’t hindi natatapos ang operasyon at patuloy nilang gagawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang makamit ang matagumpay na search and retrieval mission.