Arestado ang isang lalaki sa search warrant operation ng M’lang police, matapos matagpuan sa kanyang pag-aari ang walong sachet ng hinihinalang shabu at dalawang bala sa Brgy. Dugong kahapon March 19, 2026

Kasama sa operasyon ang mga yunit ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO), 1st Mobile Force Company, at PDEA Region 12.

Kinilala ang suspek bilang si alias “Rio,” isang may-asawang magsasaka at residente ng barangay. Sa kanyang pag-aresto, narekober mula sa kanya ang walong (8) sachet ng hinihinalang shabu at dalawang (2) bala—isa para sa 12-gauge shotgun at isa para sa kalibre .45 pistol.

Isinagawa ang operasyon sa presensya ng kinatawan ng media at isang barangay opisyal. Lahat ng nakumpiskang items ay maayos na minarka at ini-inventory sa mismong lugar.

Agad na ipinaalam sa suspek ang kanyang karapatang konstitusyonal at dinala sa M’lang Municipal Police Station para sa tamang proseso. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng pulisya.

Inihahanda na ang kaso laban sa kanya para sa paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165 at RA 10591. Patuloy ang awtoridad sa pagpapalakas ng kampanya laban sa iligal na droga at krimen upang masiguro ang kaligtasan ng komunidad.