Naaresto ng mga awtoridad ang Jordanian national na si Mohammad Odeh Saleh Odeh, 65, sa Pagadian City nitong Marso 2, 2026 dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.
Pinangunahan ang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) at Philippine National Police (PNP), kasama ang 102nd Infantry Brigade at yunit ng 1st Infantry “Tabak” Division, Philippine Army, sa ilalim ng Joint Task Force ZAMPELAN.
Lumabas sa talaan na si Odeh ay konektado sa mga indibidwal na pinaghihinalaang sangkot sa teroristang pag-atake noong Disyembre 14, 2025 sa Bondi Beach, Sydney, Australia, na tumarget sa Jewish community at itinuturing na isang antisemitic terrorist incident.
Mula 2014 hanggang 2025, madalas na naglakbay si Odeh sa Jordan, Saudi Arabia, Australia, Indonesia, UAE, Qatar, at Malaysia. Nakakuha siya ng Temporary Residence Visa (TRV) noong 2023, na valid hanggang Marso 2025, ngunit nanatili sa Pilipinas nang higit sampung buwan matapos itong mag-expire, dahilan ng paglabag sa batas-imigrasyon.
Bagamat wala pang direktang ebidensya na nagpapakita ng partisipasyon ni Odeh sa terorismo, tiniyak ng mga awtoridad na patuloy ang koordinasyon sa lokal at international partners upang suriin ang anumang potensyal na panganib sa seguridad.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI si Odeh para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso. Pinuri ng mga awtoridad ang matagumpay na operasyon bilang patunay ng matibay na inter-agency coordination sa pagitan ng BI, PNP, at Armed Forces of the Philippines, sa pagtugon sa mga transnational security threats at pagpapatibay ng pambansang seguridad.
VIA 1st Infantry “Tabak” Division

















