Arestado ang isang 37-anyos na security guard na kilala sa alyas “Kumoni” matapos masakote sa ikinasang drug buy-bust operation sa Purok Macacua, Barangay Poblacion 5, Cotabato City, kagabi, March 17.

Kinilala ang suspek bilang isang High-Value Individual (HVI), may-asawa, at residente ng Tukananes, Barangay Poblacion 7 sa nasabing lungsod.

Batay sa ulat, bandang 8:55 ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Police Station 3 ng Cotabato City Police Office sa pangunguna ni PCPT Al-Grahammad B. Pompong, katuwang ang City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), Police Station 1, at Philippine Drug Enforcement Agency sa BARMM.

Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng suspek matapos umano itong magbenta ng ilegal na droga sa poseur-buyer.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa mga otoridad upang tuluyang masugpo ang ilegal na droga sa komunidad.