Pinaiigting ng Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang seguridad sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, matapos ang serye ng insidente ng pamamaril sa lugar.

Bilang bahagi ng mga hakbang pangseguridad, nagdagdag ng mga pulis upang magsagawa ng mas mahigpit na checkpoint at pagpapatrolya.

Layunin nitong palakasin ang presensya ng kapulisan at maiwasan ang anumang banta sa kapayapaan at kaayusan.

Nanawagan ang PRO BAR sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang maiwasan ang krimen at mapanatili ang seguridad. Hinihikayat ang mga residente na maging mapagmatyag, mag-ingat, at agad na ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang kilos o indibidwal.

Ayon sa pulisya, ang mabilis at wastong impormasyon mula sa komunidad ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagpigil sa mga krimen.

Para sa anumang ulat o hinaing, pinapayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o dumaan sa mga opisyal na linya ng komunikasyon.