Nagsagawa ng Joint Peace and Security Coordinating Meeting ang mga kinatawan ng militar at pulisya sa Camp Lucero, Carmen, Cotabato bilang bahagi ng pinaigting na paghahanda para sa nalalapit na halalan.
Pinangunahan ng 602nd Brigade ang pulong na dinaluhan ng kanilang mga katuwang na yunit kabilang ang 40th at 34th Infantry Battalion, 1st Scout Ranger Battalion, 10th at 7th Field Artillery Battalion, 2nd Civil-Military Operations Company, at 61st Division Reconnaissance Company.
Nakiisa rin sa pagpupulong ang kinatawan mula sa 1002nd Infantry Brigade at Cotabato Provincial Police Office.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga isyung may kinalaman sa seguridad sa araw ng halalan, kabilang na ang mga lugar na itinuturing na election hotspots at ang mga posibleng hakbang kung sakaling magkaroon ng banta sa kaligtasan ng mga botante.
Bahagi ito ng patuloy na pagtutulungan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police upang masiguro ang maayos at ligtas na halalan ngayong darating na Lunes.
Sa kasalukuyan, puspusan ang koordinasyon ng mga ahensya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon sa araw ng botohan.