Tiniyak ng Philippine Army na walang nakikitang banta sa seguridad na maaaring makaapekto sa kaayusan ng nalalapit na first regular parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, patuloy ang monitoring ng kanilang puwersa sa mga lugar na may kasaysayan ng election-related concerns upang masiguro na maayos at walang sagabal ang halalan na nakatakdang isagawa sa Setyembre 14, 2026.
Nakahanda rin aniya ang hukbo na magbigay ng suporta sa Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec) upang matiyak ang seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa buong proseso ng botohan.
Idinagdag pa ng tagapagsalita na may sapat na puwersa ang kanilang hanay, partikular mula sa 1st, 6th, at 11th Infantry Divisions ng militar sa Western Mindanao, upang mapanatili ang tuloy-tuloy na security operations sa rehiyon.
Samantala, nagpasalamat naman ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa mga mambabatas sa pagpasa ng panukalang naglalayong i-reset ang first regular parliamentary elections sa Bangsamoro, bilang hakbang para sa mas maayos at ligtas na halalan.

















