Nagsagawa kahapon, Enero 26, 2026, ng isang security coordination meeting si Governor Datu Ali Midtimbang kasama ang matataas na opisyal ng militar at pulisya upang talakayin ang pananambang na kinasangkutan ng convoy ni Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan na naganap kamakailan sa bayan ng Shariff Aguak.

Dumalo sa pulong sina MGEN Vladimir Cagara, BGEN Edgar Catu, at PRO-BAR Regional Director PBGen Jaysen De Guzman, kung saan masusing sinuri ang kasalukuyang sitwasyon sa seguridad ng lalawigan at ang mga agarang hakbang upang mapigilan ang posibleng pag-uulit ng kaparehong insidente.

Tinalakay rin sa pagpupulong ang pagpapalakas ng police at military visibility sa mga kritikal na lugar, pati na ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga security checkpoint at intelligence operations sa buong lalawigan.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, itinuturing na isolated incident ang nangyaring pananambang at hindi umano ito sumasalamin sa pangkalahatang kalagayan ng peace and order sa Maguindanao del Sur.

Tiniyak ng mga awtoridad ang patuloy na malapit na koordinasyon ng lokal na pamahalaan, kapulisan, at sandatahang lakas upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng mga mamamayan.