Hinimok ni Senadora Risa Hontiveros si Vice President Sara Duterte na tugunan ang summons na inisyu ng Senate impeachment court noong nakaraang linggo, kasunod ng patuloy na pag-usad ng impeachment proceedings laban sa pangalawang pangulo.

Ayon kay Hontiveros, ang pagharap ni VP Duterte sa korte ay isang makabuluhang hakbang upang maipaliwanag niya nang maayos ang kaniyang panig at maiprisinta ang kaniyang mga argumento.

“Hinihintay nating lahat ang kanyang magiging tugon dito at sa mga susunod na proseso kaugnay ng impeachment trial,” pahayag ni Hontiveros sa isang video na inilabas ng kanyang opisina.

Sa parehong pahayag, binigyang-diin ng senadora na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang isang senador-hukom (senator-judge) na patas at nakabase sa ebidensiya ang bawat desisyong kanyang gagawin.

Ito ay kaugnay ng naunang pahayag ni VP Duterte na dapat umanong mag-inhibit o hindi makilahok ang mga senador na umano’y “lantad na laban” sa kaniya sa nasabing proseso.

Ngunit giit ni Hontiveros, mananatili siyang tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin—na maging makatarungan at independiyente sa paghatol, batay sa mga ebidensiyang ilalatag sa korte.

Ang impeachment trial ay bahagi ng mekanismo sa ilalim ng Saligang Batas upang masiguro ang pananagutan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan.