Itinanggi ng Cotabato City Police Office (CCPO) na may kaugnayan sa nalalapit na 2025 Midterm Elections ang magkahiwalay na insidente ng pamamaril na naganap ngayong Miyerkules sa lungsod, kung saan isang tao ang nasawi at dalawa ang sugatan.

Sa panayam ng Star FM Cotabato kay CCPO Spokeswoman PLT. Rochelle Evangelista, nilinaw niyang walang ebidensiyang mag-uugnay sa mga nasabing insidente sa anumang isyung pampulitika.

“Sa ngayon, base sa inisyal na imbestigasyon, malayo ito sa politika. Pero patuloy pa rin ang masusing pagsisiyasat upang matukoy ang motibo sa likod ng mga krimen,” ani Evangelista.

Dagdag pa niya, ipinapaubaya na nila sa mga may hawak ng kaso ang mas malalim na imbestigasyon upang matiyak ang hustisya para sa mga biktima at mapanatili ang kapayapaan sa lungsod.

Patuloy na nagbabantay ang mga awtoridad upang matiyak ang seguridad ng publiko, lalo na ngayong papalapit ang eleksyon.