Arestado ang dalawang lalaki matapos ikasa ng Police Drug Enforcement Group (PDEG) at Maluso PNP ang operasyon kontra droga sa Barangay North Gaunan, Maluso, Basilan noong Agosto 24.

Kinilala ng Maluso Municipal Police Station ang mga suspek sa alyas na Bob at Rambo, kapwa nasa hustong edad at residente ng nasabing lugar.

Batay sa ulat, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa umano’y iligal na gawain ng dalawa. Nang magsagawa ng operasyon, naaktuhan ang mga suspek na nagbebenta ng iligal na droga kaya agad silang inaresto.

Nasamsam mula sa kanila ang 15 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱204,000, isang kalibre .45 na baril, at mga bala nito.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek at nakatakdang harapin ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act.