Nagtipon noong Pebrero 12 ang mga opisyal ng Bangsamoro Government, ang Bangsamoro Transition Authority (BTA), at ang Philippine Muslim Judges Association (PMJA) upang pag-usapan ang mga reporma sa pagpapabuti ng access at kahusayan ng Shari’ah justice system sa rehiyon.
Ayon sa mga opisyal, layunin ng pulong na mapalakas ang ugnayan ng Shari’ah at regular courts, matukoy ang mga institutional gaps, at maisulong ang mga programa para sa mas maayos na administrasyon ng hustisya sa Bangsamoro. Kasama sa pagpupulong si Interim Chief Minister Abdulraof Macacua at Bangsamoro Attorney General Atty. Bantuas Lucman, na nag-review ng progreso at nagpatibay ng kolaborasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga Muslim judges.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Macacua na “ang mga sistema ay dapat nakaangkla sa konstitusyon, ngunit may paggalang sa pananampalataya, kultura, at realidad ng pamumuhay.” Aniya, dapat magtulungan ang Shari’ah at regular courts nang propesyonal, may respeto, at laging tapat sa batas.
Ayon kay PMJA PIO Samina Macabando-Usman, maraming hamon ang kinahaharap ng mga Muslim judges sa paglutas ng kaso sa parehong Shari’ah at regular courts. Hiniling niya ang suporta ng Bangsamoro government sa pagpasa ng mga batas at reporma na makapagpapahusay sa administrasyon ng hustisya.
Kasabay nito, tinalakay sa pulong ang koordinasyon ng tri-justice system ng Bangsamoro, na binubuo ng regular, Shari’ah, at traditional/tribal justice systems, upang mas mapabilis ang serbisyo sa publiko.
Pinag-usapan din ang iba pang hakbang tulad ng pagtatayo ng Bangsamoro Shari’ah Judicial and Legal Academy, paggamit ng People’s Alternative System for Addressing Disputes (PASAD), at ang modernisasyon ng mga Halls of Justice sa buong BARMM para maging “one-stop” facilities na accessible sa lahat. Layunin nito na malutas ang kakulangan sa espasyo, mapabilis ang proseso ng korte, at mas mapalawak ang kaalaman ng publiko sa Shari’ah courts.
Natapos ang pagpupulong na may muling pagpapatibay ng parehong panig sa kanilang komitment sa plural justice system, na nakabatay sa inclusivity, integridad ng institusyon, at tiwala ng publiko.

















